Monday, August 29, 2011

PAG-IBIG : UNIBERSAL NA RELIHIYOSONG KARANASAN

Sa mundong may pagkiling sa mabuting gawa, masasabing isa sa pinakadakilang layunin ng isang nilalang ang pagpapakatao upang mabigyang saysay ang kanyang pag-iral at magkaroon din ng kabuluhan ang pag-iral na ito sa kanyang kapwa at sa lipunang kanyang ginagalawan. Madaling sabihing nararapat na magpakatao ang isang tao upang marapat siya sa katawagang “tao” ngunit hindi tuwinang nababatid ang kahulugan at implikasyon ng pagpapakatao at pagpapakabuti. Gagalaw ang mga ideya sa papel na ito sa pagsasalaysay ng ilang importanteng punto upang mapatunayang mahalagang aspekto at kailangan ang karanasang relihiyoso upang magpakatao at magpakabuti. Sisikaping talakayin ang mga puntong nais sabihin sa pamamagitan ng sa umpisa’y pag-unawa sa kahulugan at kabuluhan ng tao. Dagdag pa rito, ipahahayag sa papel na ito kung paanong may kakayahang dumanas ang tao, hanggang sa ispesipikong tukuyin ang karanasan at ang karanasang relihiyoso. Kailangang dumanas at hindi lamang normal na pagdanas, bagkus kailangang danasin ang karanasang relihiyoso upang magpakatao. Kung wala ang suhetibo at nauunawaang pagdanas sa karanasang relihiyoso, may makabuluhang epekto pa rin ang karanasang relihiyoso sa pagpapakabuti ng isang tao.
Ang tao ang espesyal na nilalang dahil kamukha at kawangis siya ng diyos. Nilikha ang taong may pinatutunguhan at natural na tumutungo ang tao sa iba, sa kapwa at sa diyos. May kakayahang umalam ng karunungan at mayroong kalayaan ang tao. Sumasapanahon at sumasalugar siya. Samakatwid, totoo sa bawat tao na palaging mayroong “nariyan na.” Sa kabila nito, isang katangiang hindi maiwawaksi ang palaging makatotohanang “mayroon pa.” Nagtatanong ang tao na siyang nagpapahintulot sa kanyang magsagawa ng pilosopiya. Sa tao lamang mayroong pangangailangang magkaroon ng kabatiran kung ano ang kabuluhan ng pagiging tao. Halimbawa, sa ibang nilalang tulad ng mga hayop at halaman, hindi nagtatanong ang mga ito at lalong hindi naghahanap ng kasagutan kung ano ang kahulugan ng pagkahalaman at pagkahayop. Sa kabila nito, hindi absoluto ang tao. Ang tao ang sa tuwina’y naghahanap at isinasalugar ang sarili sa kalawakang kaloob sa sanlibutan. Kung ipagpapalagay na naniniwala ang indibidwal sa isang nakahihigit na diyos, ang sumasaibayo ang telos ng pag-iral ng isang mananampalataya.
Bagaman limitado ng panahon, lugar at ng kanyang katawan ang tao, ang mga katangiang ito rin ang nagpapahintulot sa tao na dumanas. Hindi posible ang pagdanas kung wala ang katawang may kakayahang makaramdam at makihalubilo sa kapwa tao at sa lahat ng umiiral sa mundo. Bukod pa rito, mahalagang pagtuunan ng pansin na ang katawan, bagaman limitado na nagsisilbing posibilidad upang sumaibayo, ang pisikal na manipestasyon na nilikha ang tao ng isang nakahihigit at lampas.
Kung isasangguni kay Kant ang mga kahingian upang maging posible ang pagdanas, kailangang nariyan ang dalawang dimesiyon ng oras at lugar. Ang mga kahingiang ito ang nagpapahintulot na makaranas ang isang subheto sapagkat sa dalawang dimensiyong ito magkasamang umiiral ang subheto at obheto. Sa kabila nito, nariyan din ang posibilidad ng pagdanas ng higit pa sa maikakahon ng oras at lugar, tulad ng relihiyosong karanasan na tumutungo sa diyos. Sa ganitong uri ng karanasan, hindi ito mabigyan ng tiyak na ngalan, hindi dahil hindi ito totoo kundi dahil totoong totoo ito at babad na babad sa karanasang ito ang siyang dumaranas, lubos na siksik at tigib na hindi makakayanang ikulong lamang sa panaklong ng mga tiyak na konsepto.
Maaring sabihing limitado ang maaring maranasan ng tao ngunit ang kakayahang dumanas ng tao ang nagbibigay-kabuluhan sa pagiging tao ng tao sapagkat sa pagdanas at pag-iral naisasagawa ng tao ang patuloy na pagpapasya. Mayroong “nariyan na” na siyang nagsisilbing konteksto ng kung anuman ang maaring pagdesisyunan ng tao, ngunit nariyan pa rin ang kalayaang pumili sa bandang huli. Napatutunayang may kakayahan ang taong sumaibayo sa kabila ng mga bagay na “nariyan na.” Mayroong potensyal ang tao na sumaibayo habang nananatiling may pagkilala sa limitasyong lampas sa kakayahan ng tao ang unawain sa kabuuan ang kanyang sarili at ang diyos. Sa isang sumasampalataya, mayroon siyang pagtanggap na diyos lamang ang makauunawa sa diyos at sa tao. Dahil dito, patuloy lamang ang tao sa pagdanas at pagbibigay kahulugan habang pilit na hindi iniiwan ang landas ng pagpapakatao- iyong tumatangkilik sa kalooban ng diyos at buong-pusong nakikilahok sa pananampalatayang ipinahahayag ng kanyang relihiyon.
Upang maunawaan ang kaibahan ng ordinaryong karanasan sa karanasang relihiyoso, mainam na magkaroon ng sapat na tatas sa kung ano ang pag-unawa sa relihiyon. Ayon kay Ricoeur, mayroong tatlong posibleng etimolohiya ang relihiyon. Ito ang re-ligare, re-legere at re-eligere. Patungkol ang re-ligare sa pagtutukoy kung saan talagang nakatali ang buhay ng isang tao. Mahalagang malaman ng isang indibidwal kung ano ang kanyang mga pagpapahalaga upang maging malinaw kung saan siya patungo at kung paano siya tutungo roon. Kaugnay naman ng pagbabasa ang re-legere. Kapag batid na ng isang tao kung saan nakatali ang kanyang buhay, patuloy pa rin niyang inuunawa at binabasa ang kanyang sariling buhay. Isang mahalagang dimensyon ang re-eligere sapagkat dito patuloy na nagpapasya at pumipili ang indibidwal. Sa larangan ng relihiyon, dito maaring tukuying pumapasok ang pasya na makikita rin sa ikatlong bilog ng tatlong kabilugang hermenyutiko. Dito mapapansing bukod sa sosyal na dimensiyon ng relihiyon, may suhetibong aspekto ito na may panawagang humugot mula sa personal na nibel ng karanasan.
Bagaman posible pa rin ang karanasan para sa isang indibidwal kahit na ipaloob sa isang panaklong ang pananampalataya at mga pagpapahalagang panrelihiyon, hindi maaring tanggalin sa angking kabuuan ng isang tao ang karanasang relihiyoso. May iba’t ibang nibel ang pagdanas ng relihiyon na nakabatay sa isang relihiyong ipinahayag, tulad ng Kristyanismo. Mahalagang nariyan ang mga kasulatan at ang tradisyong kinamulatan ng isang tao. Masasabing ganap ang karanasang relihiyoso kung bagaman sa simula, isang nakamulatan lamang ang relihiyon, ay pinili sa bandang huli at patuloy na pinipili pa rin at pinagpapasyahan habang umiiral ang isang tao. Ito ang nauunawaan at nararanasan ng mga taong malay sa kanilang pananampalataya. Isa sa makapagpapatibay ng isang relihiyon ang dimesyon ng pagiging organisado at kolektibo nito. Maituturing na isang komunidad din ang isang relihiyon dahil maraming tao ang naniniwala sa iisang pananampalataya. Samaktuwid, sa karanasang relihiyoso naisasakatuparan ang katangian ng tao na pagiging relasyunal, kasabay ng pagtanggap na mayroong iba, at mayroong nakahihigit pa.
Ipinalalagay ng mga mananampalataya ng relihiyon na mayroong pinanampalatayanan, iyong nakahihigit at iyong nais matunghayan ng isang sambayanang nananampalataya. Dahil dito, mayroong pagkilala at pagkaako na hindi absoluto ang tao at nakadepende siya sa isang lampas sa tao. Para sa mga Katoliko, malinaw na ang lampas at higit sa taong tinutukoy ng relihiyon ang Diyos na siyang lumikha at patuloy na lumilikha sa sanlibutan. Para sa mga mananampalataya, pinagbabatayan ang relihiyon upang magpakatao sapagkat may kolektibong pagnanais ang isang sambayanang sumasampalataya na manatiling kamukha at kawangis ng Diyos sa pamamagitan ng paggawa ng mabuti at pagmamahal sa kapwa. Madali ring makikita ang impluwensya ng kabutihang nakabatay sa kabutihang ipinahahayag ng relihiyon sa lahat ng antas ng lipunan. Ikinararangal ang mga taong sa kabila ng kahirapan ay nagsusumikap pa ring manatili sa paggawa ng mabuti. Mayroon ding mga naisa-institusyon na ang pagkilala dahil sa paggawa ng mabuti tulad ng Nobel Peace Prize. Madaling makilala ang unibersal na mabuti subalit hindi ganoong agarang maiuugnay ito o masasabing dulot kaagad-agad ng relihiyon o pananampalataya sa isang sumasaibayo sapagkat maraming argumentong maaring ihain upang mapabulaanan ang katagang ito. Ilan sa mga posibleng argumento ang pagpapakabuti ng mga taong hindi naniniwala sa diyos dahil lamang sa lantay na pagmamahal sa sangkatauhan at hindi dahil sa ginagawa nila ang pinaniniwalaang kalooban ng diyos.
Bagaman higit na madaling ipagpalagay na may kabuluhan ang karanasang relihiyoso sa mga dati nang sumasampalataya, higit na problematiko ito kung magpapataw na agarang husga na walang kakayahang magpakatao iyong mga walang pinananampalatayanan. Ilan sa dahilan ng kawalan ng pinanampalatayanan ng tao ay maaring dulot ng pasyang huwag manampalataya o dahil dulot lamang ng limitadong pagsasakasaysayan ng isang indibidwal o pangkat ng tao. Maaring iparatang na hindi makatwiran ang argumentong kailangan ang karanasang relihiyoso upang magpakatao dahil isinasantabi nito ang posibilidad ng pagpapakatao ng mga taong hindi malay sa kung ano ba ang relihiyon tulad ng mga namumuhay sa tribo o iyong namuhay noong bago pa lamang magkaroon ng sibilisasyon. Problematikong sabihing wala pang taong nagpapakatao noon sapagkat wala pang organisadong relihiyon at hindi pa malay ang mga tao sa karanasang relihiyoso. Hindi rin nila itinuturing ang kanilang mga sarili na kamukha at kawangis ng diyos kung sa simula’t sapul, hindi nila kilala ang diyos.
Sa halip na sumang-ayon na lamang na hindi kailangan ang karanasang relihiyoso sa pagpapakatao, hindi maitatangging bukas ang mga sinaunang tao o maging iyong mga taong naninirahan sa hindi pa naaabot ng sibilisasyon o sadyang lumalayo sa sibilisasyon, sa karanasan. Sa pagiging nilikha pa lamang, nariyan na ang natural na pagkiling ng tao sa pakikipagkapwa at pagmamahal. Maaring tumanggi ang tao sa pagmamahal kung saan pipiliin niyang maging masama o magkasala (bagaman maaring hindi niya tinatangkilik o itinuturing na pagkakasala ang kanyang ginagawa) ngunit dahil nilalang ang tao ng diyos, nariyan ang orihinal na pag-ibig na ipinahayag at patuloy na ipinahahayag ng lumikha habang nabubuhay ang isang tao.
Para sa mga tao at indibidwal nang kasalukuyang panahon, kung walang malalim na relihiyosong karanasan ang isang tao, maging dahil sa kanyang pagpiling hindi makaranas o sa kawalan lamang ng pagkakataon, nariyan pa rin ang tikim at silip sa kung anuman ang nararanasan kapag sinasabing dumaranas ng karanasang relihiyoso. Sa ganitong kalagayan, nababawasan lamang ang personal na relihiyosong karanasan ngunit hindi nito natatanggal ng buo ang kolektibong dimensiyon ng karanasang relihiyoso. Halimbawa, may kakayahang gumawa ng mabuti, maging bukas-palad at matulungin ang isang taong hindi naniniwala sa diyos. Kapansin-pansing bagaman nagpasya ang isang indibidwal na humindi sa nagpapahayag at nagpaparamdam na diyos, hindi niya kayang mahindian ng buong buo ang lipunang kanyang ginagalawan na may kolektibong pagpapahalaga sa mabuti- ang mabuting ayon sa kalooban ng nakahihigit, na pinananampalatayanan ng relihiyon. Bilang nilikhang sumasapanahon at sumasalugar, patuloy na magkakaroon ng impluwensya ang kaligiran sa pag-iisip at pagsasagawa ng aksiyon ng isang indibidwal, piliting iwasan pa man niya ito.
Isang unibersal na katangian ng bawat taong nilalang ang pagkakaroon ng kakayahang umakto batay sa kung anuman ang rasyunal na lohika ng kanyang lipunang kinabibilangan. Dahil hindi maikakaila na isinilang ang isang indibidwal sa isang pamilya, o isang lipunan, maliit man o malaki, nariyan pa rin ang dimensyong pagiging relasyunal. Maaring nagbabago ang konteksto ng pagbuo ng relasyon sa kapwa tao, ang kakayahang umiral at dumanas kasama ng kapwa at ang posibilidad na mahalin ang kapwa ay isang mahalagang aspekto ng karanasang relihiyoso. Maaring salungat ito sa tradisyunal na pag-unawa sa relihiyon bilang isang organisasyong panlipunan ng pangkat ng taong may pinananampalatayanan sapagkat walang nagpapahayag, at hindi batid ng mga taong ito na maari silang maging kausap ng isang nagpapahayag, ang patuloy na pasya upang umiral kasama ang kapwa at hayaang umiral sila ay isang manipestasyon ng karanasang maaring hindi mabigyang-ngalan bilang isang karanasang relihiyoso (sa kasalukuyang pag-unawa) ay isang karanasan pa rin na nananatiling maganda at mapayapa sapagkat nagpapakatao at nagpapakabuti ang indibidwal. Maiuugnay ito sa ugnayan ng isang bagay sa pangalan nito kung saan kahit na hindi mabigyang-ngalan ang karanasan (matutukoy na nakapaloob sa karanasang relihiyoso), hindi nangangahulugang nawawala ang pagiging karanasan nito.
Hindi itinatanggi ng kahalagahan ng karanasang relihiyoso sa pagpapakatao at pagpapakabuti na maaring piliin ng isang indibidwal na lumayo o pilitang iwaksi ang kaugnayan niya sa diyos o sa isang sumasaibayong nakahihigit. Ito rin ang masasabing dahilan ng posibilidad ng pagkakaroon ng kasalanan, ang pagpiling iwan ang landas na sana’y nakatakda upang sundin ng isang taong nagpapakatao. Sa kabila nito, kahit itanggi pa ng tao o kahit na hindi malay ang tao na mayroong diyos (na magiging sanhi ng hindi niya paggalaw ukol sa itinakdang mga akto ng isang relihiyon), hindi maiaalis nito na kamukha at kawangis pa rin siya ng diyos dahil isa siyang nilikhang nilalang. Sa tuwina’y nariyan ang katangian ng taong “hindi mauunawaan” ng lubusan at ito ang nagpapahintulot na makipag-kapwa at magmahal, at patuloy na umunawa habang dumaranas.
Kung pagtatambisin ang sumasampalataya sa isang hindi sumasampalataya, higit na mas mainam na batayan ang kakayahang magmahal ng tao kaysa sa nibel ng pagkilala sa diyos na siyang pinatutunguhan ng isang relihiyon sapagkat maging ang mga mananampalataya, hindi nila kayang magbigay patunay na kilala na talaga nila ang diyos na kanilang itinuturing na diyos. Sa ganitong pagsusuri, nagkakaiba lamang ang nananampalataya at hindi nananampalataya sapagkat may pagnanasa at pagtitiyaga ang sumasampalataya na gamiting ang kanyang potensyal (na mananatiling potensyal lamang sa kahabaan ng kanyang pag-iral) upang kilalanin ang diyos. Kinikilala o hindi man kinikilala ang diyos, may pantay na kakayayahang magmahal ang mga sumasampalataya at hindi sumasampalataya. Isang pundamental na katangian ng relihiyosong karanasan ang pagmamahal sapagkat hindi ito maaring maisakatuparan kung walang diyos na siyang batayan, bilang siya ang pinakang-nagmamahal. Masasabing ang pag-iwas sa pagmamahal at sa kabutihan ang humahadlang sa pagpapakatao ng isang tao sa kabila ng pagiging may kakayahan niyang maranasan ito.

Sugat na Salita ni Chretien: Isang Pagmumuni

Isang dialogong sinisikapang makausap at makilala ang Diyos ang panalangin. Nangyayari lamang ito sa pamamagitan ng pagbubukas ng sarili sa siyang kinakausap. Bilang taong nilikha ng Diyos, kasama sa mga katangiang “nariyan na” na oryentasyon na mayroong Diyos na pinatutunguhan. Bilang isang panalangin, nagsisimula ang Proslogion sa pagdarasal na mahanap at maunawaan ang Diyos at ito rin ang ideyang ipinahihiwatig ng katapusan ng Proslogion. Bagaman sa unang paghusga, mapapansing sapat na ang positibong pagpili at pagpapasya ng tao na manalangin upang mahanap ang Diyos, mapatutunayan ng Proslogion ni San Anselmo, sa tulong ng artikulong likha ni Jean-Louis Chrétien na sugát na salita ang Proslogion. Kung itutulak pa, sugát na salita ang anumang uri ng pananalangin sapagkat sugát din ang nagsasagawa nito.

Mahalagang aspeto ng pananalangin ang pagtukoy sa sinasamba bilang “Ikaw” na nangangahulugan ng pagiging isa lamang at maaring nagpapahayag na nariyan at malapit lamang sa nananalangin ang “Ikaw” na tinutukoy bagaman hindi siya nakikita ng nagdarasal. Sa Proslogion kung saan binabanggit ni San Anselmo na “Ikaw Panginoon” upang tukuyin ang Diyos, nagpapaangkin siya sa Diyos na nais niyang makilala at magpakilala sa kanya. Kinikilala niya na nakahihigit ang “Ikaw” na pinatutunguhan ng kanyang panalangin. Sa kabila nito, walang makikitang konkretong patunay ang tao na talagang nag-iisa at isa lamang ang nakikinig, na talagang nariyan siya, na talagang mayroon, na talagang kung mayroon, nakikinig siya. Ayon kay Chrétien, palaging nasa natatalong partido ang panalangin kung ihahambing sa pinatutunguhan nito. Nagiging sugát ang panalangin sapagkat sinusugatan ito ng kanyang pinatutunguhan. Sa paglalayong maiparinig sa pandinig ng isang sumasaibayo na may kakayahang makarinig sa lahat ng pagkakataon, nagsasalita ang nanalangin nang may pag-asang naririnig siya. Sa pagsisimula sa katahimikan at sa pananatiling mayroong katahimikan, mahinahong natatanggap at nabubuo ng nanalangin ang “Ikaw.” Nagsisimulang manalangin ang tao upang marinig siya ng pinatutunguhang umiiral na (o may kakayahan nang makinig) bago pa man siya magsalita. Sa kabila nito, hayagang nananatiling hubad at walang kasagutan ang anumang sabihin ng nanalangin. Sa pananalangin, lalo pang napaiigting ang kawalan ng hawak ng nanalangin sa sariling aktong kanyang ginagawa.

Maituturing na balintunang ang nanalangin pa ang nagpupumilit na ipagpatuloy ang ginagawa niya habang inaako ang kanyang kahinaan at habang patuloy na naglalatag ng kanyang mga ideya sa kabila ng palagiang kawalan ng tugon mula sa kanyang kinakausap. Kung itutulak pa upang higit na maunawaan ang sitwasyong ito habang nananalangin, mapahahalagahan ang katahimikang (o kawalan ng tugon) nangyayari habang nagsasalita ang nagdarasal sapagkat ito ang nagpapahintulot sa kanyang tipunin ang sarili at akuin kung anuman ang handa na niyang akuin upang maiparinig sa kanyang kinakausap. Kung susubuking suriin, tila imposibleng makahanap ng paliwanag kung saan mauunawaan ng tao at tatanggapin na lamang niyang sa lahat ng pagkakataon, hindi niya hawak ang katotohan kahit na magsumikap pa siyang tahakin ang landas patungo rito habang siya’ y nabubuhay. Mahuhulog na lamang ang pagiging sugat ng panalangin kasama ng mga “nariyan na” na katangiang pantao. Bagaman isang limitasyon, sa pag-ako na sugát ang salita at sa pagpapasyang patuloy na manalangin kahit na palagiang sugát ang salita, napahihintulutan ng tao ang kanyang sarili upang sumaibayo at huwag humindi patungo sa landas ng pinatutunguhan ng kanyang panalangin. Sa pagpapasyang hindi huminto upang mapalalim ang pagkilala sa Diyos, napalalalim din ng tao ang kanyang pagkakilala sa sarili at sa sangkatauhan.

Kung pagmumunihan, maaring sabihin na sugát na salita ang panalangin nang sinumang nananalangin sapagkat palagiang sugát din ang taong gumagawa nito. Nagsisilbi ang panalangin bilang tanging paraan ng pagkilala sa pagiging sugat na nilalang ng isang tao. Bilang nilalang na sumasapanahon at sumasalugar ngunit mayroong kalayaan, maari niyang hindi isipin o bigyang-solusyon ang kanyang pagiging sugát na nilalang. Nilalaman ng panalangin ang mga bagay na kumikilala sa kahinaan ng isang tao kung saan siya mismo, ang nananalangin ng isang panalangin, ang nagsasalita. Nakikita rito ang pagpapakumbaba sa harap ng isang hindi nakikita at isang hindi lubusang nakikilala at hinahayaan ng taong manatili siyang bukas, sugát at mahina kung ikukumpara sa sumasaibayong walang maiisip na nakahihigit. Sa simula pa lamang ng Proslogion, batid na ni San Anselmo ang kanyang kahinaan kung kaya’t humihingi siya ng tulong sa Diyos upang siya’y makaunawa. Sa pagdaloy ng mga ideya ni San Anselmo, kabilang ang kanyang pagpapatibay sa pag-iral at mga katangian ng kanyang Diyos, nagtatapos pa rin ang Proslogion sa kanyang kabatirang kailangan niyang patuloy na umunawa pa. Bagaman maaring hindi sa mundong ito niya lubusang maabot ang kagalakan o ang pag-unawa sa kabuuan, mahalagang magsimula na siya sa mundo kung saan umiral siya bilang isang taong sumasakasaysayan.

Maaring ikumpara ang pagiging sugát ng tao sa hangal na tinutukoy ni San Anselmo sa kanyang Proslogion. Hangal ang taong nakaiisip na may Diyos ngunit hindi nanampalatayang umiiral siya. Maaring ipagpatibay na kaakibat ng pagiging sugát na nilalang ang tendensiyang maging hangal, kung hindi man sa tuwina (sa lagay ng mga kumikilala sa kanilang mga sarili bilang aetista at humihindi sa kinikilala nila sa isipan bilang sumasaibayo), maging hangal paminsan-minsan lalo na kung nariyan ang matitinding pagsubok at dagok sa buhay na tila lumalampas sa anumang katuwirang mauunawaan ng isipan ng tao. Kung ganito ang kalagayan, bagaman tila isang parikala kung pakikinggan, mahalagang buksan ang sarili upang malunasan ang sugát na sarili kung saan sugát din ang siyang makagagamot sa kahinaan ng pagkatao- ang panalangin. Kung pipiliing manalangin sa kabila ng mga hindi makatarungang posibilidad sa buhay, masasabing nilalabanan ng isang taong humantong na lamang ang sarili sa nibel ng isang hangal. Pinipili pa rin niyang ilagay ang sarili sa natural at wastong oryentasyon nito bilang isang nilikha at bilang isang may pananampalataya.

Dito makikita ang kahalagahang magkaroon ng kabatiran ang nananalangin kung sino ang kanyang kinakausap sa tuwing nagsasalita upang manalangin. Sa kabila ng kabatiran ng tao na mayroong “Ikaw” na maaring kausapin kung kanyang gugustuhin, hindi palagiang siya ang “Ikaw” na pinagtitiwalaan ng isang nilalang. Kaakibat ng kanyang kalayaan at kakayahang umaalam, may tendensiyang piliin o pagpasyahan niyang hindi sumandig sa “Ikaw” lalo na’t ito ang “Ikaw” na kung wala ang pananampalataya, may tendensiyang maging abstrakto at maaring akusahan na hindi nakikinig dahil hindi naman tumutugon. Posibleng magkaroon ng krisis sa pananamapalataya sapagkat patuloy na mayroong hamon habang patuloy na pinagpapasyahang kilalanin pa rin ang Diyos sa pamamagitang ng isang panalangin. Upang magbigay ng isang makabagong halimbawa, maihahambing sa karanasan ni San Anselmo na tila kakikitaan ng pagkalito habang pilit na nagsusumikap, ang karanasan ni Mother Teresa, tanyag bilang isang mabuting tao na nagwagi pa ng Nobel Peace Prize. Matapos ang kanyang kamatayan, umugong ang balitang sa buong pamamalagi niya sa mundo, palagian siyang nakaramdam ng pangungulila sa Panginoong palagi naman niyang hinahanap at pinapanigan, ang Panginoong siyang may kalooban na pilit niyang sinusunod sa pamamagitan ng pagiging lubusang mabait at mabuti sa kapwa. Kung agaran itong huhusgahan, masasabing hindi patas na siya pa, higit sa lahat ang mapagkumbabang aamin na sa maraming pagkakataon, hindi niya naramdaman na nariyan ang Diyos na palagi niyang kinakausap. Sa dakong huli ng kanyang pagmumuni-muni (ayon sa mga sinulat niya na ipinakita sa Time Magazine), kagalakan pa rin ang huli niyang pasya, “If this brings You glory — if souls are brought to you — with joy I accept all to the end of my life.” Bagaman mayroong kahinaan ang tao, mahalagang manatiling nananampalataya dahil ito lamang ang maaring maging armas ng tao sa pagtahak sa peligrosong pagpapasya sa pagpapatuloy ng karanasang relihiyoso. Nakahahangang nakagawa pa siya ng lubusang mabubuting gawain sa kabila ng pakikipagtunggali niya sa sariling nararamdaman.

Isang hamong maaring ibato sa mga nanampalataya ang posibleng presuposisyon na balintunang manampalataya at magnasang marating at makilala ang Panginoon na sa simula pa lamang, lumikha na ng mga nilalang na mayroong distansya mula sa kanya. Makikitang taliwas ito sa pinaniniwalaang kamukha at kawangis ng Diyos ang tao dahil sugát at hindi perpektong mga nilalang ang tao. Hindi sugát ang siyang sinisikapang patunguhan ng panalangin ng isang tao kundi isang banal at sumasaibayong inaasahan niyang nakikinig sa kabila ng kawalan ng tugon. Sa halip na tanggapin na lamang na ginusto ng Diyos na lumikha ng mga taong hindi perpekto at mga taong patuloy na kakailanganing umunawa at tumugon sa kanilang potensiyal, higit pang mapatutunayan dito na totoong mayroong Diyos na nakahihigit, na siyang natural na oryentasyon ng tao gustuhin man niya o hindi, batid man niya o hindi. Maaring isiping mananatiling mayroong mga hamon sa paglapit ng tao sa Diyos hindi dahil malayo talaga siya kundi dahil nilikha ang taong mayroong sumasakontekstong kalayaan na maaring gamitin sa ibang desisyon, maging ang desisyong hindi na hanapin ang Diyos at hindi na manatiling kasama siya sa pamamagitan ng pagtanggi sa kanya. Taliwas sa pagiging nakahihigit sa lahat ng Diyos kung magiging kapantay lamang siya ng kapangyarihan ng bawat nilalang sapagkat kung mangyayari iyon, hindi na siya Diyos. Kaugnay nito, kinakailangan ang kahandaan at katapangan, kasabay ng pagpapakumbaba sa pagiging “wala” ng tao kung ihahambing sa Diyos, kung pagpapasyahang patuloy na tahakin ang peligrosong pagdanas upang manatiling sugatang nilalang na tinutugunan ng kanyang sugát na lunas ang pagnanais na maabot o masilip ang kagalakan kasama ang Diyos.

Ayon sa Proslogion, isang karanasan ng liwanag na nakasisilaw ang karanasan ng Diyos kung kaya’t bakas lamang ang kayang maranasan ng tao sa Diyos. Sa sitwasyon ni San Anselmo, nagmumula ang kanyang pag-unawa at pagdanas sa pagnanais niyang maunawaan ang karanasang ito. Sa pagpili ni San Anselmo na higit pang umunawa at dumanas, lalo niyang napapansing lumalawig din ang kanyang kagustuhang umunawa pa rin kahit “mayroon na” at nadaragdagan na ang kanyang kaalaman. Masasabing may pangangailangang patuloy na umalam pa dahil dumarami pa ang kailangang malaman na hindi bunga ng paglayo ng Diyos o nang tahasang hindi niya pagpapakilala habang sinusubukan ng taong kumilala kundi habang isinasagawa ng tao ang kanyang akto bilang isang sugát na pananalangin, lalo pang napalalaki ang sugat na ito dahil lalo pang lumalalim ang kanyang pagnanasa na mapunan ang kawalang mayroon siya na unti-unti rin niyang natutuklasan kasabay ng mga aksiyong pinipili niyang pasukin.

Bagaman may posibilidad na makitang balakid ang pagiging sugat na salita ng pananalangin, na marahil na naging dahilan kung bakit marami sa sangkatauhan ang nagpapasya (o hindi man nagpapasya kundi nanatiling hindi kumikibo) na huwag na lamang sumampalataya. Maari itong iugnay sa argumentong kung umiiral man ang Diyos sa isipan ng hangal, higit na madaling mapalalawig ng tao ang paghawak niya sa katotohanan ng katotohanang kanyang tinutuklas kung isasandig na lamang niya sa sarili ang lahat ng kahinaan o kalakasang posible niyang maranasan. Sa kabila ng posibilidad na maging rason ang pagiging sugát na nilalang upang huwag nang magnais na sumaibayo, higit na mainam kung ituturing itong hamon upang lalo pang magsumikap upang marating ang ninanais ng Diyos na marating ng kanyang mga nilikha. Isang sugat na salita ang Proslogion sapagkat bilang isang uri na pananalangin, tinatangkang labanan ni San Anselmo ang argumentong kinahuhulugan ng mga hangal na katulad din ng argumentong maaring panghawakan ng isang taong nabibigo sa kawalang kakayahan ng sariling umalam ng isang buo at hayag na katotohanan at panghawakan ito. Sinisikapang gawin ni San Anselmo ang mahinahong tanggaping hindi maaring isandig sa sarili ang katotohanan dahil hindi ito sa sarili nakabatay. Kung palalalimin pa, hindi maaring mabatid o maranasan sa kabuuan nito, ng taong nilikha lamang ng Diyos ang Diyos. Isang manipestasyon ng pagiging sugát na panalangin ng Proslogion ni San Anselmo ang pahayag ni San Anselmo na “Si comprehendis, non est deus.” Kinikilala ni San Anselmo sa kanyang Proslogion na ang Diyos ang nakahihigit sa anumang maiisip, at iyong wala nang maiisip na hihigit pa habang tinatanggap na sa sandaling maisip niyang matukoy nang may katiyakan kung sino ang Diyos, makasisiguro siyang hindi ito ang Diyos sapagkat hindi maikakahon sa isapan ng isang hamak niyang nilalang ang isang konsepto lamang na maaring gamitin upang matukoy at maunawaan ang Panginoon.

Bago tuluyang matapos ang pananalangin sa Proslogion, nariyan ang kagalakang nadarama ni San Anselmo sapagkat tatas na niya ang ilang mga katangiang maiuugnay sa Diyos. Kabilang dito ang pagiging walang higit na maiisip, iyong higit sa lahat ng maiisip, at ang pagiging sabay-sabay Ama, Anak at Espirito Santo ng Diyos. Sa kabila ng kasiyahang nadarama habang mayroong pag-unawa na mayroong nauunawaan (iyong hindi mauunawaan sa kanyang kabuuan), nananatiling sugát na salita pa rin ang pananalangin ni San Anselmo sapagkat kinakailangan niyang manatiling bukas at patuloy na akuin ang kanyang kakulangan bilang isang tao at patuloy na punan ang kanyang pagnanais na matagpuan ang Panginoon. Sa patuloy na pananampalataya sa kabila ng pagiging sugát na nilalang at pagkakaroon ng kakayahang magsagawa ng dialogo kasama ang Panginoon na may katangiang pagiging sugát na salita rin, tinatahak ng isang tao ang pasikut-sikot ng kanyang buhay, sa mundong ibinigay sa kanya at sa mundo kung saan patuloy siyang nagpapasya bilang tugon sa kung anuman ang ibinigay sa kanya, nang mayroong kagalakan. Maaring hindi ito ang ganap na kagalakan na siyang ipinangako ng Diyos sa kanyang sanilikha subalit ito ang silip at tikim sa kinahahantungan ng sumasaibayong pinatutunguhan habang nagsusumikap ang tao na sabay-sabay magnasa, umunawa, manalangin, magmahal at manampalataya.

Saturday, August 20, 2011

Vous ecrivez, pourquoi and THIS WEEK :)

J’ecrive parce que j’aime ecriver.

I write for the love of writing. I write because I want to be good at it. It feels sad how a friend keeps on asking me how I was able to have my work published (because his friend is looking for a sideline). There is nothing wrong with my telling how I submitted my work but I feel like I have been misunderstood.

I write because I have something to write about and I want to write about that something.


I do not really care whether it gets published or it does not. It is true that I earn money from writing but really, I can also earn money from doing something else. I choose to write not primarily because of the financial incentive but because I really enjoy doing it and I really want to train myself to be good at it. That’s just it. It does not feel great thinking that a friend sees writing merely as a form of sideline. I write a lot of things which I earn nothing from. I write a lot of things which only I am able to read. I write a lot of things which I do not publish on my blog. I write a lot of things which do not get published.

THIS WEEK Random

1. Super happy. I did not fail my Crim midterms.
2. Happy. I had lunch with Patrick at Cyma, Greenbelt. I missed him so much. We also stayed in Starbucks Paseo and went Ayala Triangle. I really wished we had stayed until midnight since my Saturday class turned out to be a free cut. I want to tell more stories, and listen to his UP stories. I couldn’t say this much but I really missed him. Although I think a lot of things changed. It felt a little bit different but he was still the friend I had back in college. I was not able to take a picture of him, by the way.
3. Not very happy. I missed a Matanglawin get-together aka Miguel’s birthday party and Arnold’s despidida. I was not able to see my friends.
4. Not very happy. I missed Kat’s despidida. I see Kat as a little sister. She looks like a little girl who is really smart and going to JTA Hongkong this semester. Because of this, I was not able to see other college friends, Eduard, Stif, Phil, Louie and Trisha.
5. Not very happy. I missed a lunch with a friend because of delayed phone messages. I was waiting near the fountain at the Plant. Our time wasted waiting for each other and reading all those delayed messages. He had to go back to work after an hour. But we are okay now.
6. Happy. I am excited for Block E’s pool party for Jermaine’s post birthday celebration.
7. Happy. One of my college best friends, Criselle, will be working for the Marketing Department of Monde Nissin. I am proud of you. I wish you good luck.
8. Happy. I was able to chat with Hermund, one of my college best friends about random things. I miss him. I also miss Bek. They both celebrated their first work anniversary this week.
9. Happy. I am really happy with law school. I have new awesome friends and amazing blockmates.
10. Happy. I keep on getting new projects for my part-time job.
11. Esperance. Je suis en train d’attendre.