Sa mundong may pagkiling sa mabuting gawa, masasabing isa sa pinakadakilang layunin ng isang nilalang ang pagpapakatao upang mabigyang saysay ang kanyang pag-iral at magkaroon din ng kabuluhan ang pag-iral na ito sa kanyang kapwa at sa lipunang kanyang ginagalawan. Madaling sabihing nararapat na magpakatao ang isang tao upang marapat siya sa katawagang “tao” ngunit hindi tuwinang nababatid ang kahulugan at implikasyon ng pagpapakatao at pagpapakabuti. Gagalaw ang mga ideya sa papel na ito sa pagsasalaysay ng ilang importanteng punto upang mapatunayang mahalagang aspekto at kailangan ang karanasang relihiyoso upang magpakatao at magpakabuti. Sisikaping talakayin ang mga puntong nais sabihin sa pamamagitan ng sa umpisa’y pag-unawa sa kahulugan at kabuluhan ng tao. Dagdag pa rito, ipahahayag sa papel na ito kung paanong may kakayahang dumanas ang tao, hanggang sa ispesipikong tukuyin ang karanasan at ang karanasang relihiyoso. Kailangang dumanas at hindi lamang normal na pagdanas, bagkus kailangang danasin ang karanasang relihiyoso upang magpakatao. Kung wala ang suhetibo at nauunawaang pagdanas sa karanasang relihiyoso, may makabuluhang epekto pa rin ang karanasang relihiyoso sa pagpapakabuti ng isang tao.
Ang tao ang espesyal na nilalang dahil kamukha at kawangis siya ng diyos. Nilikha ang taong may pinatutunguhan at natural na tumutungo ang tao sa iba, sa kapwa at sa diyos. May kakayahang umalam ng karunungan at mayroong kalayaan ang tao. Sumasapanahon at sumasalugar siya. Samakatwid, totoo sa bawat tao na palaging mayroong “nariyan na.” Sa kabila nito, isang katangiang hindi maiwawaksi ang palaging makatotohanang “mayroon pa.” Nagtatanong ang tao na siyang nagpapahintulot sa kanyang magsagawa ng pilosopiya. Sa tao lamang mayroong pangangailangang magkaroon ng kabatiran kung ano ang kabuluhan ng pagiging tao. Halimbawa, sa ibang nilalang tulad ng mga hayop at halaman, hindi nagtatanong ang mga ito at lalong hindi naghahanap ng kasagutan kung ano ang kahulugan ng pagkahalaman at pagkahayop. Sa kabila nito, hindi absoluto ang tao. Ang tao ang sa tuwina’y naghahanap at isinasalugar ang sarili sa kalawakang kaloob sa sanlibutan. Kung ipagpapalagay na naniniwala ang indibidwal sa isang nakahihigit na diyos, ang sumasaibayo ang telos ng pag-iral ng isang mananampalataya.
Bagaman limitado ng panahon, lugar at ng kanyang katawan ang tao, ang mga katangiang ito rin ang nagpapahintulot sa tao na dumanas. Hindi posible ang pagdanas kung wala ang katawang may kakayahang makaramdam at makihalubilo sa kapwa tao at sa lahat ng umiiral sa mundo. Bukod pa rito, mahalagang pagtuunan ng pansin na ang katawan, bagaman limitado na nagsisilbing posibilidad upang sumaibayo, ang pisikal na manipestasyon na nilikha ang tao ng isang nakahihigit at lampas.
Kung isasangguni kay Kant ang mga kahingian upang maging posible ang pagdanas, kailangang nariyan ang dalawang dimesiyon ng oras at lugar. Ang mga kahingiang ito ang nagpapahintulot na makaranas ang isang subheto sapagkat sa dalawang dimensiyong ito magkasamang umiiral ang subheto at obheto. Sa kabila nito, nariyan din ang posibilidad ng pagdanas ng higit pa sa maikakahon ng oras at lugar, tulad ng relihiyosong karanasan na tumutungo sa diyos. Sa ganitong uri ng karanasan, hindi ito mabigyan ng tiyak na ngalan, hindi dahil hindi ito totoo kundi dahil totoong totoo ito at babad na babad sa karanasang ito ang siyang dumaranas, lubos na siksik at tigib na hindi makakayanang ikulong lamang sa panaklong ng mga tiyak na konsepto.
Maaring sabihing limitado ang maaring maranasan ng tao ngunit ang kakayahang dumanas ng tao ang nagbibigay-kabuluhan sa pagiging tao ng tao sapagkat sa pagdanas at pag-iral naisasagawa ng tao ang patuloy na pagpapasya. Mayroong “nariyan na” na siyang nagsisilbing konteksto ng kung anuman ang maaring pagdesisyunan ng tao, ngunit nariyan pa rin ang kalayaang pumili sa bandang huli. Napatutunayang may kakayahan ang taong sumaibayo sa kabila ng mga bagay na “nariyan na.” Mayroong potensyal ang tao na sumaibayo habang nananatiling may pagkilala sa limitasyong lampas sa kakayahan ng tao ang unawain sa kabuuan ang kanyang sarili at ang diyos. Sa isang sumasampalataya, mayroon siyang pagtanggap na diyos lamang ang makauunawa sa diyos at sa tao. Dahil dito, patuloy lamang ang tao sa pagdanas at pagbibigay kahulugan habang pilit na hindi iniiwan ang landas ng pagpapakatao- iyong tumatangkilik sa kalooban ng diyos at buong-pusong nakikilahok sa pananampalatayang ipinahahayag ng kanyang relihiyon.
Upang maunawaan ang kaibahan ng ordinaryong karanasan sa karanasang relihiyoso, mainam na magkaroon ng sapat na tatas sa kung ano ang pag-unawa sa relihiyon. Ayon kay Ricoeur, mayroong tatlong posibleng etimolohiya ang relihiyon. Ito ang re-ligare, re-legere at re-eligere. Patungkol ang re-ligare sa pagtutukoy kung saan talagang nakatali ang buhay ng isang tao. Mahalagang malaman ng isang indibidwal kung ano ang kanyang mga pagpapahalaga upang maging malinaw kung saan siya patungo at kung paano siya tutungo roon. Kaugnay naman ng pagbabasa ang re-legere. Kapag batid na ng isang tao kung saan nakatali ang kanyang buhay, patuloy pa rin niyang inuunawa at binabasa ang kanyang sariling buhay. Isang mahalagang dimensyon ang re-eligere sapagkat dito patuloy na nagpapasya at pumipili ang indibidwal. Sa larangan ng relihiyon, dito maaring tukuying pumapasok ang pasya na makikita rin sa ikatlong bilog ng tatlong kabilugang hermenyutiko. Dito mapapansing bukod sa sosyal na dimensiyon ng relihiyon, may suhetibong aspekto ito na may panawagang humugot mula sa personal na nibel ng karanasan.
Bagaman posible pa rin ang karanasan para sa isang indibidwal kahit na ipaloob sa isang panaklong ang pananampalataya at mga pagpapahalagang panrelihiyon, hindi maaring tanggalin sa angking kabuuan ng isang tao ang karanasang relihiyoso. May iba’t ibang nibel ang pagdanas ng relihiyon na nakabatay sa isang relihiyong ipinahayag, tulad ng Kristyanismo. Mahalagang nariyan ang mga kasulatan at ang tradisyong kinamulatan ng isang tao. Masasabing ganap ang karanasang relihiyoso kung bagaman sa simula, isang nakamulatan lamang ang relihiyon, ay pinili sa bandang huli at patuloy na pinipili pa rin at pinagpapasyahan habang umiiral ang isang tao. Ito ang nauunawaan at nararanasan ng mga taong malay sa kanilang pananampalataya. Isa sa makapagpapatibay ng isang relihiyon ang dimesyon ng pagiging organisado at kolektibo nito. Maituturing na isang komunidad din ang isang relihiyon dahil maraming tao ang naniniwala sa iisang pananampalataya. Samaktuwid, sa karanasang relihiyoso naisasakatuparan ang katangian ng tao na pagiging relasyunal, kasabay ng pagtanggap na mayroong iba, at mayroong nakahihigit pa.
Ipinalalagay ng mga mananampalataya ng relihiyon na mayroong pinanampalatayanan, iyong nakahihigit at iyong nais matunghayan ng isang sambayanang nananampalataya. Dahil dito, mayroong pagkilala at pagkaako na hindi absoluto ang tao at nakadepende siya sa isang lampas sa tao. Para sa mga Katoliko, malinaw na ang lampas at higit sa taong tinutukoy ng relihiyon ang Diyos na siyang lumikha at patuloy na lumilikha sa sanlibutan. Para sa mga mananampalataya, pinagbabatayan ang relihiyon upang magpakatao sapagkat may kolektibong pagnanais ang isang sambayanang sumasampalataya na manatiling kamukha at kawangis ng Diyos sa pamamagitan ng paggawa ng mabuti at pagmamahal sa kapwa. Madali ring makikita ang impluwensya ng kabutihang nakabatay sa kabutihang ipinahahayag ng relihiyon sa lahat ng antas ng lipunan. Ikinararangal ang mga taong sa kabila ng kahirapan ay nagsusumikap pa ring manatili sa paggawa ng mabuti. Mayroon ding mga naisa-institusyon na ang pagkilala dahil sa paggawa ng mabuti tulad ng Nobel Peace Prize. Madaling makilala ang unibersal na mabuti subalit hindi ganoong agarang maiuugnay ito o masasabing dulot kaagad-agad ng relihiyon o pananampalataya sa isang sumasaibayo sapagkat maraming argumentong maaring ihain upang mapabulaanan ang katagang ito. Ilan sa mga posibleng argumento ang pagpapakabuti ng mga taong hindi naniniwala sa diyos dahil lamang sa lantay na pagmamahal sa sangkatauhan at hindi dahil sa ginagawa nila ang pinaniniwalaang kalooban ng diyos.
Bagaman higit na madaling ipagpalagay na may kabuluhan ang karanasang relihiyoso sa mga dati nang sumasampalataya, higit na problematiko ito kung magpapataw na agarang husga na walang kakayahang magpakatao iyong mga walang pinananampalatayanan. Ilan sa dahilan ng kawalan ng pinanampalatayanan ng tao ay maaring dulot ng pasyang huwag manampalataya o dahil dulot lamang ng limitadong pagsasakasaysayan ng isang indibidwal o pangkat ng tao. Maaring iparatang na hindi makatwiran ang argumentong kailangan ang karanasang relihiyoso upang magpakatao dahil isinasantabi nito ang posibilidad ng pagpapakatao ng mga taong hindi malay sa kung ano ba ang relihiyon tulad ng mga namumuhay sa tribo o iyong namuhay noong bago pa lamang magkaroon ng sibilisasyon. Problematikong sabihing wala pang taong nagpapakatao noon sapagkat wala pang organisadong relihiyon at hindi pa malay ang mga tao sa karanasang relihiyoso. Hindi rin nila itinuturing ang kanilang mga sarili na kamukha at kawangis ng diyos kung sa simula’t sapul, hindi nila kilala ang diyos.
Sa halip na sumang-ayon na lamang na hindi kailangan ang karanasang relihiyoso sa pagpapakatao, hindi maitatangging bukas ang mga sinaunang tao o maging iyong mga taong naninirahan sa hindi pa naaabot ng sibilisasyon o sadyang lumalayo sa sibilisasyon, sa karanasan. Sa pagiging nilikha pa lamang, nariyan na ang natural na pagkiling ng tao sa pakikipagkapwa at pagmamahal. Maaring tumanggi ang tao sa pagmamahal kung saan pipiliin niyang maging masama o magkasala (bagaman maaring hindi niya tinatangkilik o itinuturing na pagkakasala ang kanyang ginagawa) ngunit dahil nilalang ang tao ng diyos, nariyan ang orihinal na pag-ibig na ipinahayag at patuloy na ipinahahayag ng lumikha habang nabubuhay ang isang tao.
Para sa mga tao at indibidwal nang kasalukuyang panahon, kung walang malalim na relihiyosong karanasan ang isang tao, maging dahil sa kanyang pagpiling hindi makaranas o sa kawalan lamang ng pagkakataon, nariyan pa rin ang tikim at silip sa kung anuman ang nararanasan kapag sinasabing dumaranas ng karanasang relihiyoso. Sa ganitong kalagayan, nababawasan lamang ang personal na relihiyosong karanasan ngunit hindi nito natatanggal ng buo ang kolektibong dimensiyon ng karanasang relihiyoso. Halimbawa, may kakayahang gumawa ng mabuti, maging bukas-palad at matulungin ang isang taong hindi naniniwala sa diyos. Kapansin-pansing bagaman nagpasya ang isang indibidwal na humindi sa nagpapahayag at nagpaparamdam na diyos, hindi niya kayang mahindian ng buong buo ang lipunang kanyang ginagalawan na may kolektibong pagpapahalaga sa mabuti- ang mabuting ayon sa kalooban ng nakahihigit, na pinananampalatayanan ng relihiyon. Bilang nilikhang sumasapanahon at sumasalugar, patuloy na magkakaroon ng impluwensya ang kaligiran sa pag-iisip at pagsasagawa ng aksiyon ng isang indibidwal, piliting iwasan pa man niya ito.
Isang unibersal na katangian ng bawat taong nilalang ang pagkakaroon ng kakayahang umakto batay sa kung anuman ang rasyunal na lohika ng kanyang lipunang kinabibilangan. Dahil hindi maikakaila na isinilang ang isang indibidwal sa isang pamilya, o isang lipunan, maliit man o malaki, nariyan pa rin ang dimensyong pagiging relasyunal. Maaring nagbabago ang konteksto ng pagbuo ng relasyon sa kapwa tao, ang kakayahang umiral at dumanas kasama ng kapwa at ang posibilidad na mahalin ang kapwa ay isang mahalagang aspekto ng karanasang relihiyoso. Maaring salungat ito sa tradisyunal na pag-unawa sa relihiyon bilang isang organisasyong panlipunan ng pangkat ng taong may pinananampalatayanan sapagkat walang nagpapahayag, at hindi batid ng mga taong ito na maari silang maging kausap ng isang nagpapahayag, ang patuloy na pasya upang umiral kasama ang kapwa at hayaang umiral sila ay isang manipestasyon ng karanasang maaring hindi mabigyang-ngalan bilang isang karanasang relihiyoso (sa kasalukuyang pag-unawa) ay isang karanasan pa rin na nananatiling maganda at mapayapa sapagkat nagpapakatao at nagpapakabuti ang indibidwal. Maiuugnay ito sa ugnayan ng isang bagay sa pangalan nito kung saan kahit na hindi mabigyang-ngalan ang karanasan (matutukoy na nakapaloob sa karanasang relihiyoso), hindi nangangahulugang nawawala ang pagiging karanasan nito.
Hindi itinatanggi ng kahalagahan ng karanasang relihiyoso sa pagpapakatao at pagpapakabuti na maaring piliin ng isang indibidwal na lumayo o pilitang iwaksi ang kaugnayan niya sa diyos o sa isang sumasaibayong nakahihigit. Ito rin ang masasabing dahilan ng posibilidad ng pagkakaroon ng kasalanan, ang pagpiling iwan ang landas na sana’y nakatakda upang sundin ng isang taong nagpapakatao. Sa kabila nito, kahit itanggi pa ng tao o kahit na hindi malay ang tao na mayroong diyos (na magiging sanhi ng hindi niya paggalaw ukol sa itinakdang mga akto ng isang relihiyon), hindi maiaalis nito na kamukha at kawangis pa rin siya ng diyos dahil isa siyang nilikhang nilalang. Sa tuwina’y nariyan ang katangian ng taong “hindi mauunawaan” ng lubusan at ito ang nagpapahintulot na makipag-kapwa at magmahal, at patuloy na umunawa habang dumaranas.
Kung pagtatambisin ang sumasampalataya sa isang hindi sumasampalataya, higit na mas mainam na batayan ang kakayahang magmahal ng tao kaysa sa nibel ng pagkilala sa diyos na siyang pinatutunguhan ng isang relihiyon sapagkat maging ang mga mananampalataya, hindi nila kayang magbigay patunay na kilala na talaga nila ang diyos na kanilang itinuturing na diyos. Sa ganitong pagsusuri, nagkakaiba lamang ang nananampalataya at hindi nananampalataya sapagkat may pagnanasa at pagtitiyaga ang sumasampalataya na gamiting ang kanyang potensyal (na mananatiling potensyal lamang sa kahabaan ng kanyang pag-iral) upang kilalanin ang diyos. Kinikilala o hindi man kinikilala ang diyos, may pantay na kakayayahang magmahal ang mga sumasampalataya at hindi sumasampalataya. Isang pundamental na katangian ng relihiyosong karanasan ang pagmamahal sapagkat hindi ito maaring maisakatuparan kung walang diyos na siyang batayan, bilang siya ang pinakang-nagmamahal. Masasabing ang pag-iwas sa pagmamahal at sa kabutihan ang humahadlang sa pagpapakatao ng isang tao sa kabila ng pagiging may kakayahan niyang maranasan ito.
No comments:
Post a Comment