Nariyan ang pagpapahalaga sa buhay sapagkat ito ang nagbibigay-pagkakataon sa sarili upang umiral. Ito ang nagbibigay-pagkakataong dumanas – masaya o masakit man. Ito ang nagbibigay-pagkakataong umunawa o pilit na maghanap ng sagot kung bakit walang pag-unawa. Sa pagpapahalaga sa sarili, patuloy kong binibigyang-buhay ang katagang hango sa pilosopiya ni Gabriel Marcel: Ang sarili ay hiwaga, pasya at biyaya.
Sinabi ko sa sarili kong sisikapin kong
“mamaalam” sa taong 2012, isang “pamamaalam” na patuloy na nakakulong sa mga
panipi, mga paniping hindi nangangahulugang pilit kong tinatalikuran ang
katotohanang papasok na ang 2013 bagkus mga paniping nagsasabuhay na hindi
mawawala iyong 2012. Mananatiling nariyan sa alaala ang mga pangyayari. Maari
silang manumbalik sa mga darating na araw, linggo, buwan o taon. Napagtanto
kong hindi naman isang kahingian ang mag-paalam sa taong puno ng karanasan
dahil mayroong kalayaang piliin iyong pansamantalang pagsasara o kahit isang
simpleng pagharap lamang sa tadhanang patuloy gumalaw kasabay ng oras.
Ninais kong isulat ang piyesang ito gamit ang
isang balangkas na tatawagin kong “Balangkas ng Pagpapahalaga.” Maihahalintulad
ang buhay ayon sa pag-iral nito sa mga pagpapahalagang siyang nagbibigay
kahulugan sa kung anumang nais abutin o marating ng isang tao.
Pagpapahalaga sa Iba
Pamilya
“Ang hindi lumingon sa pinanggalingan, hindi
makararating sa paroroonan,” isang kasabihang mahigit isang libo ko nang
narinig o nabasa marahil. Sa kabila nito, hindi ako humihinto sa pakikinig o
paniniwalang kailangang malay ang sarili sa kung anumang mayroon siya “bago” pa
man mangyari ang lahat – pamilya. Ang aking pamilya ang sumasalo sa tuwing ako’y
mahuhulog. Ang pamilya ko ang tumutulak at patuloy na sumusuporta upang huwag
huminto, sa kabila ng lahat ng pagsubok. Ang aking pamilya ang nariyang
nagagalak sa bawat tagumpay, nalulungkot ngunit may pagtanggap, sa kabila ng
kabiguan. Pamilya marahil iyong biyayang patuloy na “nariyan na,” “nariyan
lang,” o “palaging nariyan,” na dapat hindi makalimutang pahalagahan.
Kaibigan
[Friends] Bahagi ng buhay ang pakikipamuhay
kasama ng ibang tao. Nagpapasalamat ako sa mga dating kaibigan at bagong
kaibigan, na kasama kong dumanas at tumikim sa anumang ibigay ng buhay –
inasahan o hindi inasahan. Kaibigan iyong matiyagang makikinig sa kabila nang
paulit-ulit na pagtatanong o paghingi ng tulong. [Special mention to
Matanglawin, Dorm Friends, Scholar Friends]
[Benefactors] Araw-araw akong gumigising nang
may pasasalamat at tiwalang mabuti ang mundo. Maraming salamat sa patuloy na
sumusuporta sa aking pag-aaral. Kayo ang dahilan kung bakit hindi ako titigil na
tuwina’y magbigay-katarungan sa inyong pagtulong. Isang biyaya ng Diyos na
nakatagpo ako ng mga taong binibigyang katuparan ang isa sa mga pinahahalagahan
ko sa buhay – edukasyon.
[AHRC] Noong isang taon ko pa ninais na
maging kasapi ng Ateneo Human Rights Center. Sa biyaya ng Diyos at sa tulong ng
mga pumili sa Batch Bulan, naging intern ako ng AHRC ngayong taon. Masaya kong
sasabihing isa sa pinakamagandang nangyari sa aking buhay ngayong taon ang
pagiging miyembro ng organisasyon. Nakatutuwang magkaroon ng ibang gawain, maliban
sa pag-aaral, lalo na kung may hawig na paniniwala rin ng tulad sa sarili ang
mga makakasama.
Dahil sa AHRC, nakilala ko ang aking
pamilyang Mangyan. Maraming ipinamulat sa akin ang pakikimuhay ko kasama sila
sa loob ng isang linggo. Dahil sa AHRC, nakilala ko ang mga kaibigang marahil
ay magiging kaibigan ko na rin habang buhay. Dahil sa AHRC, nakilala ko ang mga
abogadong ginagamit ang batas upang makatulong sa mga marhinalisadong pangkat
ng lipunan, sa layuning magsulong ng katarungan.
[The Palladium] Ito rin ang taon kung kailan
ako nagkaroon ng una kong organisasyon sa Law School. Nakilala ko ang mga
kasamang may pagmamahal din sa pagsusulat. Nabigyan ako ang pagkakataong sumulat
muli. Masaya akong makasama ang mga taong palaging may masasabi sa mga
nangyayari sa paligid at mahusay na magsasaliksik upang makagawa at makasulat
ng magandang piyesa.
[The Women of Aleitheia] Nang sumali ako sa
isang sorority, maraming nagsabing hindi ako iyong tipong sasali sa isang
sisterhood. Nagsimula akong hindi batid kung ano ba talaga iyong pinasok ko. Sa
pagiging bahagi ng The Women of Aleitheia, masaya akong magkaroon ng mga “sisters”
na palaging nariyan kapag kailangan ko ng tulong at palaging umuunawa sa aking
kalagayan. Lubos akong nagpapasalamat sa Batch Beryl. Salamat sa pagkakaibigan,
Gay, Mars, Rax, Becky!
Pagpapahalaga sa Sarili
Hindi maikakailang nangangailangan ng
pagpapahalaga ang sarili. Bagaman mayroong kakulangan, nagpapasalamat akong
maging malay sa aking kakayahan at limitasyon. Natutuwa akong patuloy na
magkaroon ng sagot sa tanong na, “Para kanino ka bumabangon?” Hango sa isang
patalastas sa telebisyon ang tanong na iyan. Mula noon, isinapuso at isinaisip
kong dapat mayroong dahilan at kahulugan ang aking pag-iral – iyong kahulugang
pinaniniwalaan kong “nariyan” sa kabila ng minsanang hindi pagkaramdam o
pagkabatid kung ano ba iyong kahulugan.
Nariyan ang pagpapahalaga sa buhay sapagkat
ito ang nagbibigay-pagkakataon sa sarili upang umiral. Ito ang
nagbibigay-pagkakataong dumanas – masaya o masakit man. Ito ang
nagbibigay-pagkakataong umunawa o pilit na maghanap ng sagot kung bakit walang
pag-unawa. Sa pagpapahalaga sa sarili, patuloy kong binibigyang-buhay ang
katagang hango sa pilosopiya ni Gabriel Marcel: Ang sarili ay hiwaga, pasya at
biyaya.
Tatapusin ko aking panulat sa pamamagitan ng
mga paumanhin.
1.
Paumanhin kung sakaling hindi ko nabigyang-katarungan ang mga
biyaya ng taong 2012 sa pamamagitan ng maikling artikulong aking inilathala sa
aking “blog.”
2.
Paumanhin kung kinakalawang na ang aking Filipino. Patuloy kong
magiging inang-wika ang Filipino subalit tila nawalan ako ng oras upang magbasa
at sumulat upang mapaghusayan ang aking kakayahan.
SALAMAT 2012!
No comments:
Post a Comment